Sunod-sunod na
kalamidad. Sandamakmak na trahedya. Lindol, baha, gulo, bagyo. Mga pangyayaring
dulot ng kalikasan at gawa ng tao.
Ito ang lumumpo sa Pilipinas sa nakaraang
mga linggo, ito din ang sumusubok sa tatag at tibay ng lahing Pilipino.
Di mabilang na larawan ng pagdurusa, mga pusong nangungulila, mga buhay na naglahong parang bula, walang kasiguruhang umaga.
Mga musmos at matatandang nangangailangan ng kalinga, mga
panaghoy at impit na iyak ng mga damdaming halos sa kawalang pag-asa ay sumabog
na.
Ngunit sa kabila ng lahat nang ito ay ang pagdagsa ng mga kapwa Pilipino at ibang lahing nagmamalasakit, nagmamahal, nagdudugtong buhay at nag-aalay ng dasal.
Mga taong hindi alintana ang pagod, gutom, hirap, at
sariling kapakanan upang umagapay sa mga buhay na pansamantalang inilugmok ng
tadhana.
Sa paglipas ng araw, unti-unting mapapalitan ang dilim, ng liwanag. Ang luha, ng ngiti. Ang pighati, ng kasiyahan. Ang pag-iisa, ng yakap ng mga minamahal. Ang pagkakawalay, ng muling pagkikita at pagdadaupang-palad. Ang bangungot, ng magandang panaginip. Ang pagtaghoy, ng halakhak na walang kasing tamis.
Hindi sumusuko, palaban, matatag, matibay ang lahing Pilipino. Tulad ng kawayan, sumasayaw sa hangin, yumuyukod sa bagyo at nakikipagsalimbayan sa unos ng buhay.
Tunay ngang hindi kayang igupo ng anumang dilubyo ang lahing kayumanggi. Hindi kayang buwalin ng kahit anumang bagyo ang tibay ng dibdib ng mga Pilipino.
Kasabay ng bagong
umagang darating, ang pag-asa sa bawat pusong dinurog ng mga pagsubok, ang
muling pagbangon, ang pagbuo ng panibagong pangarap, at ang walang pagsidlang
pasasalamat sa mga alaalang iniwan ng mga sinawimpalad.
Sama-sama,
tulong-tulong, kapit-kamay, tayong lahat ay MULING BABANGON.
Dahil walang katulad ang
TIBAY, TATAG at PANANAMPALATAYA ng LAHING PILIPINO!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento